skip to main |
skip to sidebar
Wika Tungo sa Tuwid na Daan
Ang wika nga ba ang sagot sa matagal ng problema ng ating bansa, ang katiwalian? Ang wikang kinalakihan nga ba natin ang magbibigay ng kapayapaan at pagkakaisa sa ating bansa? Ang sariling wika nga ba ang magbibigay ng pag-asa sa mga susunod na henerasyon? Ang wikang Filipino nga ba ang magdadala sa atin at sa Perlas ng Silangan sa “daang matuwid”? Paano nga ba nilalabanan ng wika ang katiwalian? Ito’y ilan sa mga tanong na bumabagabag sa isipan ng mga kabataan na hindi nawawalan ng pag-asa sa sariling bayan.
Wika. Isa sa pinakaimportanteng pagkakakilanlan ng isang bansa. Ito’y isang bagay na nagpapakita ng kalayaan sa isang nasyon. Ito rin ay nagpapakita ng kaibahan ng bawat bansa, mahirap man o mayaman. Sa Pilipinas, ang ating pambansang wika ay Filipino. Napakasarap isipin na kahit tayo’y isang maliit na bansa lamang sa Asya kumpara sa mga bansang nakapalibot sa atin, ay mayroon tayong sariling pakakakilanlan. Kahit maraming problema man ang kinahaharap ng ating bansa ay isa na itong magandang balita na puwedeng ipagmalaki ninoman, saanman, at magpakailanman.
Tunay na napakahalaga ng wika. Binibigyan tayo nito ng importansya sa mundo. Ito’y isang sandata na puwede nating gamitin na ni isa man ay walang mawawalan ng buhay at ni isang patak ng dugo’y walang tutulo. Kahit na napakaraming problema na ang kinaharap ng ating bansa ay hindi pa rin tayo sumusuko na ipaglaban ang tama at magdadala sa atin sa daang matuwid. Kaya para sa mga Pilipinong naniniwala na hindi kamatayan at dahas ang sagot sa pagwakas ng katiwalian, patuloy nating gamitin ang ating sariling wika na magdadala sa atin ng magandang kinabukasan at magbibigay pag-asa sa bayan.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento